READ: DepEd CALABARZON Regional Director Francis Cesar B. Bringas extends his warmest greetings to all Gurong CALABARZON and teachers across the nation as the world celebrates Teachers’ Day this October 5, 2021.
Isang masaya, maningning at mapagpalang araw sa lahat!
Taon-taon ay ipinagdiriwang natin ang National Teachers Month alinsunod sa Proclamation Number 242, series of 2011 na nagtatalaga sa pagdiriwang ng National Teacher’s Month mula September 5 hanggang October 5. Kaya naman ngayong taon ay muli nating isinasagawa ang pagdiriwang ng Buwan ng mga Guro na may temang: ’Gurong Filipino: Katuwang sa Hamon, Kasama sa Pagbangon’ kung saan binibigyang diin ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga guro ngayong panahon ng pandemya.
Ang Gurong Filipino ay katuwang sa hamon. Mula noong nakaraang school year 2020-2021 hanggang sa kasalukuyan ay samot saring mga pagsubok at hamon ang kinaharap ng ating mga guro upang makapagbigay ng kalidad na edukasyon na mga mag-aaral. Hindi alintana ang panganib na dala ng COVID-19 virus, inihanda nila ang kanilang sarili para sa mga pagbabago. Nagsanay sila sa online distance learning at nag-asikaso ng mga modules upang ipamahagi sa mga estudyante. Tunay nga na maraming pagbabago ang hatid ng bagong normal at bawat guro ay sinubukang sumabay sa mga pagbabagong ito. Kasabay nito, kahanga-hanga ang ipinamalas na pagiging malikhain, orihinal at maparaan ng maraming guro sa kanilang pamamaraan ng paghahatid ng serbisyo sa bawat mag-aaral. Hindi napigil ng virus ang kagustuhan ng mga guro na maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya. Dahil dito maituturing natin na frontliners ang mga gurong humarap sa mga hamon ng panahon.
Ang Gurong Filipino ay Kasama sa Pagbangon. Hindi madali ang maging guro dahil maituturing itong 24/7 job na walang limitasyon sa oras at kahit saan ka magtungo ay guro pa rin ang turing saiyo ng mga tao sa iyong paligid. Tunay na mahalaga ang papel na ginagamapanan ng bawat guro sa lipunan dahil nabigyan sila ng karapatan na magbahagi ng kaalaman sa mga kabataan, kaya importante na tamang impormasyon ang ibabahagi natin sa kanila. Binigyan din ang mga guro ng responsibilidad na hubugin ang kaisipan at pananaw ng mga estudyante kaya inaasahan na maging maingat sa pagsasalita at pagpapakita ng halimbawa sa kanila dahil bawat guro ay nagsisilbing salamin at modelo ng kagandahang asal. Kaya naman katuwang natin ang kaguruan sa pagbangon mula sa pagkakalugmok sa pandemya, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng tama at sapat na impormasyon tungkol sa paglaban sa COVID-19 virus at pati na rin sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban dito. Sa pagbibigay ng tamang impormasyon at pagpapakita ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga inilatag na health protocols, nagiging gabay natin ang bawat guro tungo sa pagbangon.
Marahil isa sa malaking pagbabago sa edukasyon ngayong new normal ay ang pagkakaroon ng pagkakataon ng mga magulang na magsilbing guro sa kanilang mga anak sa loob ng kanilang mga tahanan. Nakita natin ang mahalagang papel ng mga magulang sa paggabay at pagtuturo bilang isang malaking hamon na hindi madali, ngunit kinayang gampanan ng bawat magulang na handang magsakripisyo upang maipagpatuloy ang pagkatuto at paglago ng kanilang mga anak. Dahil dito, kayong mga magulang na nagsisilbing guro na loob ng tahanan ay bahagi rin ng pagdiriwang ngayong Araw ng mga Guro.
Para sa ating mga minamahal na guro, nawa’y magsilbing paalala ang pagdiriwang ng World Teachers’ Day sa bawat isa sa inyo ng inyong sinumpaang tungkulin sa bayan at sa inyong mga estudyante. Maraming salamat sa inyong pagsisikap, pagtitiyaga at pagsasakripisyo upang makapaghatid ng kalidad na edukasyon sa kabila ng banta ng coronavirus. Ang World Teacher’s Day ay espesyal na araw ng bawat isa sa inyo, maging ikaw ay guro sa siyudad, kabundukan, pampubliko o pribadong paaralan, iyong ipagmalaki ang pagiging isang gurong Filipino dahil naging katuwang ka sa pagharap sa hamon at kasama ka sa ating pagbangon.
Happy World Teacher’s Day sa inyo, mga giliw kong guro.
Mabuhay ang Gurong CALABARZON!
FRANCIS CESAR B. BRINGAS
Regional Director
DepEd CALABARZON