(From DepEd Communications Division)
August 5, 2021 – Bilang bahagi ng selebrasyon ng Buwan ng Wika ngayong taon, magbibigay-pugay ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa mga katutubong wika ng bansa sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga gawaing birtwal.
Para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan ngayong Agosto, itinakda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang ”Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” na naglalayon na itanghal ang pagpupunyagi sa kasaysayan ng bansa at mga wika.
“Kami sa DepEd ay nagpapasalamat sa KWF sa pagbibigay sa aming mga kawani sa Central Office at sa mga paaralan ng mga pagsasanay para magamit nang wasto ang wikang Filipino sa larangan ng edukasyon. Kaisa ang Kagawaran sa pagsusulong at pagpapayabong pa ng mga wikang katutubo sa buong bansa,” ani Kalihim Leonor Magtolis Briones.
Mayroong iba’t ibang mga webinar na iminumungkahi ang Kagawaran para sa mga guro at mag-aaral ng pangunahing edukasyon para sa buong buwan ng Agosto. Iminumungkahi ang mga gawaing ito sa mga paaralang nagsimula na ng taong panuruan. Samantala, hindi ito sapilitan sa mga paaralang nasa bakasyon pa.
Para sa Agosto 2-6, inaanyayahan ang mga guro ng Kinder hanggang Baitang 6 sa mga webinar ng KWF na may temang, “Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo”. Samantalang ang mga mag-aaral sa Baitang 7 hanggang 12 ay mungkahing dumalo sa mga online forum at talakayan hinggil sa mahahalagang personalidad sa larangan ng wika at kultura.
May temang “Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani”, mungkahi naman sa Agosto 9-13 ang pagdadaos ng online forum ukol sa mga wikang katutubo para sa mga mag-aaral sa Baitang 4 hanggang 6. Samantalang timpalak sa pagsulat ng tula at muling pagsasalaysay ng mga kuwentong-bayan gamit ang wikang katutubo ang mungkahing patimpalak para sa mga mag-aaral sa Baitang 7 hanggang 12.
Sa Agosto 16-20, ninanais na magsagawa ng patimpalak para sa mga mag-aaral sa Baitang 4 hanggang 12 sa pagsulat ng sanaysay at patimpalak sa pananaliksik ayon sa temang “Wikang Filipino: Bigkis ng Magkakalayong Pulo”.
Para naman sa huling linggo, Agosto 23-31 ang tema ay “Mga Wikang Katutubo sa pagbuo ng Pambansang Panitikan”, mungkahing magkaroon ng patimpalak sa paggawa ng maikling komentaryo/blog/vlog at patimpalak sa paglikha ng awit para sa mga mag-aaral sa Baitang 4 hanggang 12. Matapos ang mga gawaing ito ay magkakaroon ng paglalagom ng mga gawain upang magbalik-tanaw sa pagdiriwang at parangalan ang mga nagwagi sa bawat patimpalak.
“Para mapahusay pa ang galing ng mga mag-aaral at mga guro ay naghanda pa rin tayo ng mga gawain para sa Buwan ng Wika, kahit na may pandemya ay mahalagang napapraktis nila ang paggamit ng wika na umaangkop sa layunin natin ngayong taon na pahalagahan ang wikang katutubo,” ayon kay Pangalawang Kalihim para sa Curriculum at Instruction Diosdado San Antonio.
Para masiguro ang kaligtasan ng lahat, gaganapin ang mga nasabing gawain online.
PR-2021-252
WAKAS