Sapin sa paa ang tsinelas na pinaglumaan na ng panahon ay binagtas ni John Joseph R. Dollete, 9 taong gulang mula sa Barangay Bacao I ng lungsod ng General Trias City, ang kalsada patungo sa Barangay Hall upang matuto pang magbasa sa tulong ng proyektong inilunsad ng paaralan ng Governor Ferrer Main. Balewala ang init ng panahon, para kay Joseph ay mas mahalagang mahasa pa ang kanyang husay sa pagbabasa sa tulong ng libreng reading program ng nasabing paaralan. Para ito sa kanyang pangarap na maging isang mahusay na guro balang araw.

“Gusto ko pong maging teacher. Kase po para makatulong din po sa ibang bata. Saka po makatulong sa magulang,” masayang sambit ni Joseph habang nakatutok ang mata sa gurong nagbabasa sa unahan.

Ayon pa sa kanya, magulang nya mismo ang nagkumbinsi na siya ay pumunta sa nasabing gawain bukod pa sa katotohanang interesado din talaga siyang matuto pa ng mga bagong kaalaman at makapakinig na rin ng iba’t ibang kwento upang sa kanyang paglaki ay mas maging malawak pa ang mga natutunan niya. Nais niya kasing maging singhusay ng mga gurong nakikita nya sa kanilang paaralan at ng mga nagtuturo sa kaniya.

Kasama ang iba pang musmos na tulad niya sa barangay Bacao I ay kitang-kita kung paano napasaya ang kanyang araw ng mga magagaling na gurong nagkwento at nagbasa sa kanila ng mga bagong kwentong pambata. Dagdag pa ni Joseph, mahilig din siyang magbasa at sa pagpunta niya sa Reading Program ay nais niyang malinang pa ang kanyang talento sa pagbabasa.

“Malaking tulong po kase ito sa pag-aaral. Masaya na nga po tapos natututo pa po ako. Kaya po gusto kong pumunta dito,” aniya. Bukod pa sa pagbabasa ay naaliw din kasi si Joseph sa mga palaro o parlor games na inihanda ng mga guro kaya naman ganadong-ganado silang lahat.

Sa katunayan, si Joseph ang isa sa nabigyan ng premyong pera ni Maam Lilian Monton, Master Teacher sa Filipino ng GFMNHS-Main dahil sa kanyang ipinamalas na galing sa pagsasayaw. Hindi matatawaran ang ngiti at sayang kanyang naramdaman na lalong nagpasigla sa kanya sa araw na iyon.

Subalit, para kay Joseph, ang pinakapaborito niyang bahagi ng nasabing programa ay ang pagpapabasa mismo sa kanila kung saan ay nabigyan sila ng pagkakataon na masanay sa pagbasa habang inuunawa ang mensahe ng binasang akda.

Para kay Joseph, ang pagbabasa ang pinakamahalaga sa lahat sapagkat dito magsisimula ang pangarap ng kanyang mga magulang at syempre pa ang ambisyon nya rin na maging isang guro sa hinaharap.

Sangkaterbang problema man ang dumating, tiyak na hindi ito iindahin ni Joseph. Ang kanyang sinimulang hakbang ay tiyak na magtutuloy-tuloy hanggang sa paglaki niya. (Hernane B. Buella, SDO General Trias City)