Ibinahagi ng 42 teaching staff at tatlong non-teaching staff ng Looc National High School (LNHS), Distrito ng Silangang Nasugbu, Batangas ang kanilang Performance-based Bonus (PBB) upang tumulong sa halos 100 pamilya ng mga piling estudyante sa Hacienda Looc noong Abril 29.

Pinangunahan nina G. Ron Ronald Cloma, Faculty President at Gng. Catherine Petronio, Faculty treasurer sa pamumuno ni Principal Sofio Panaligan, Jr. ang programang Bayanihan ng mga Gurong Loocanian #WeWillHealAsOne kung saan namahagi sila ng relief goods at cash assistance sa mga nasabing pamilya at merienda sa mga frontliners sa Barangay ng Looc, Bulihan, Calayo, at Papaya.

Ayon kay G. Cloma, humingi sila ng tulong sa mga opisyales ng Sangguniang Kabataan (SK) at sa Barangay para sa ligtas na distribusyon ng mga ayuda.

“Ginawa namin ito bilang patuloy na pagkalinga sa aming mga mag-aaral at bilang pagbabahagi na rin ng aming mga natatanggap na blessings sa mga lubos na nangangailangan,” pahayag ni Cloma.

Sa kabilang banda, lubos naman ang pasasalamat ng principal ng LNHS sa mga guro gayundin sa SK at Barangay Officials na nakiisa sa nasabing programa.

“Nawa’y tuluyan na nating malampasan ang pagsubok dulot ng COVID-19,” dagdag pa ni Panaligan. (Sulat ni Michaella Pitogo, News writer, Looc National High School, Nasugbu East District, Schools Division ng Batangas Province