Bilang suporta sa programa ng DepEd IV-A na CALABARZON Pivot 4A QuBE, pormal na inilunsad ng Imus National High School ang nasabing programa na naglalayong mabigyan ng kumpletong kasanayan at kahusayan ang mga guro para sa de kalidad at nakaaangat na antas na edukasyon sa isang roll-out na ginanap sa ICT Techno Hub, Pebrero 14.

Binigyang-diin ni G. Arturo P. Rosaroso Jr., Principal IV, na ang CALABARZON Pivot 4A Qube ay isang inisyatiba ng Rehiyon na magbibigay ng malawakang kahusayan at karunungan para sa mga guro upang mas makamit ang mastery of learning competencies ng mga mag-aaral.

“Ito ay pagbabago, pivot… full turn para sa mas dekalidad na edukasyon,” ani Rosaroso.

Inisa-isa rin ng punungguro ang apat na strategic thrusts ng CALABARZON Pivot 4A Qube, ang Aligning Focus and Intervention, Advancing Handholding Initiatives, Amplifying Defined Technical Assistance to Target Delivery Units at Appraising Stakeholders on Progress of Interventions.

Inilahad din sa nasabing roll-out ang mga layunin ng nasabing programa, ang Excellence, Empowerment at Efficiency kaakibat ang iba pang mga programa at proyekto upang makamit ang mga layuning ito.

Binigyang-pansin din ni Rosaroso ang logo ng CALABARZON 4A QuBE upang mas maintindihan ng mga guro ang malalim na kahulugan nito at ang “vision” upang maisulong ang edukalidad o edukasyong may kalidad sa rehiyon at sa buong bansa.(Panitik Imuseño Team, SDO Imus City)