Kinapanabikan ang pampinid na pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Dibisyon ng Tayabas City dahil tampok ang kategorya na paglalabanan hindi lamang ng mga mag-aaral kundi maging ng kanilang mga magulang sa ‘Kwentong Basa ni Nanay’.

Sa mensaheng inspirasyunal na ibinigay ni Christian J. Bables, EPS ng Filipino, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga magulang at iba pang stakeholders upang higit pang maging tagumpay ang mga gawaing pampaaralan.

“Salamat sa magulangin na nakiisa, malaking bagay ang pagbabahagi ninyo ng talento sa pagkatuto ng mga mag-aaral, inaasahan ko na simula pa lamang ito dahil sa mga susunod na taon paiigtingin pa namin ang partisipasyon ninyo at ng iba pang eksternal na tagapagtaguyod ng paaralan,” pahayag ni Bables.

 Samantala itinuturing ni Hannibal Camaligan, Punong Barangay ng Ibabang Ilasan, kung saan ginanap ang pagdiriwang, na isang karangalan ang maging bahagi ng gawain lalo pa at naging kakaiba at kaabang-abang ito hanggang sa panig ng mga mamamayan ng Tayabas.

Hindi naman nagpahuli ang kaguruan ng sekondarya nang makipagtunggali sa pagbuo ng saliksik na pumapaksa sa pagbasa.

Winakasan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng paggawad ng sertipiko at medalya sa mga nagwagi sa iba’t ibang kategorya.

Pinarangalan si Jebie Labordo (TWCS II) para sa unang puwesto. Para sa ikalawang puweto ay si Luzviminda Quinto (KAES) at ikatlong puwesto naman ay si Dina Gonzales (EPES). Samantalang sa Pagbuo ng Saliksik ay ang team na binubuo nina Sigrid F. Tibordo, Gesselle E. Salayong, at Niel Orven A. Talavera ang nagwagi.

Nakaabang na ang mga Tayabense sa mga kapana-panabik na magaganap sa muling pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa 2020. (Sigrid F. Tibordo, Teacher II, Luis Palad Integrated High School, Schools Division of Tayabas City)