Pinuri ni Regional Director Diosdado M. San Antonio ang kauna-unahang green school program sa rehiyon na pormal na inilunsad ng Lungsod ng Imus noong Pebrero 18 sa Imus National High School.

Ang programa ay naglalayong buksan ang kamalayan ng komunidad, lalo na ang mga kabataan, sa pagsasagawa ng mga hakbang na mangangalaga sa kalikasan tulad ng pagtatanim ng mga puno at halaman, pagtitipid gamit ang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya gaya ng solar energy para sa kuryente at electric vehicles bilang kapalit ng mga de-gasolina, sewerage treatment at mga rainwater harvester para sa pagtitipid sa tubig, at regulasyon sa paggamit ng plastic.

Sa kanyang mensahe bilang panauhing pandangal, sinabi ni San Antonio na ang konsepto ng green school ay isang “historic, trendsetter, trailblazing initiative from our highly respected officials in Imus, in collaboration with DepEd Imus City headed by SDS Jimmy Panganiban and ASDS Galileo Go, at lalung-lalo na sa mga namumuno sa mga paaralan.”

 

“DAPAT”

Aniya, ang gawaing ito na kolaborasyon ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Emmanuel L. Maliksi, DepEd at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay “swak na swak sa mga adhikain ng Regional Office at dapat tularan ng lahat ng mga paaralan.”

“Dapat ang mga paaralan ay nagtuturo ng mga pagpapahalaga na kailangan upang ang mga pamayanan ay maging progressive at magkaroon ng tinatawag na pag-unlad. Kapag ang iyong gustong gawin ay hindi dahil sa iyong sariling kapakanan, in the end mayroong kabuluhan ang gawa,” paliwanag ng direktor.

“Ganyan dapat ang leader na mabisa, ang leader na nakakagawa ng mga miracles sa kanilang mga paaralan, yung talagang pinag-iisipan kung ano ang relevance ng natututunan sa iba’t ibang mga capacity building initiatives,” dagdag pa niya.

 

BALIK-TANAW

Ibinahagi rin ni San Antonio na 34 na taon na siya sa serbisyo mula nang maging bahagi ng DepEd noong 1985 at hanggang ngayon ay seryosong-seryoso pa rin siya bilang edukador.

“Seryoso po na ang pakiramdam ko, lahat ng masama sa ating pamayanan ay kagagawan ng mga teacher na hindi inaayos ang kanilang mga gawain, gayundin ang mga punongguro at mga opisyal ng DepEd kabilang ako. Lahat tayo ay malaki ang papel na ginagampanan sa anumang pagbabagong nagaganap sa lipunan,” aniya pa.

 

DIREKSYON

Binati rin ng regional director ang pagkakaroon ng Imus ng isang komprehensibong manual na magsisilbing gabay sa pagbuo ng marami pang paraan at inobasyong sisimulan sa lungsod, itutuloy sa CALABARZON at maging sa buong bansa.

“Congratulations! Eventually, target natin is for the whole country to become green, hindi sa pag-iisip kundi green sa pamamaraan sa pangangalaga ng kalikasan.”

Ang Imus National High School na regional winner at finalist sa 2017 National Search for the Most Eco-friendly and Sustainable Schools ang magsisilbing pilot at model school ng Green School Program.

Pinamumunuan ito ni G. Arturo P. Rosaroso Jr.

Layon ng pamahalaang lungsod at ng SDO Imus City na maging “eco-friendly” ang lahat ng 35 pampublikong paaralan na bumubuo rito at inihahanda na umano ang mga insentibo para matiyak ang pagsunod at suporta sa naturang programa.

“Kailangang makita sa buhay ng ating mga estudyante, guro at administrators yung totoong practice ng green school. Ito’y hindi mangyayari overnight. It will be a long journey pero tama na sinimulan na natin ito,” ani Mayor Maliksi.

“Ang sikreto ay napakasimple lamang: pagkakaisa at pagtutulungan. Sa bisa nito, ang lahat ng ating pinapangarap ay magagawa at mararating.” (Christian Mespher A. Hernandez, DIAO, SDO Imus City)