Muling nakiisa ang mga pampublikong paaralan ng DepEd Cavite, mula antas elementarya hanggang sekondarya, sa pagdiriwang ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino: Wika ng Saliksik.”

Sari-saring patimpalak at pagtatanghal ang isinagawa, partikular na ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang ikaanim na baitang.

Mayroong nagpamalas ng talento sa paglikha ng akrostik, storytelling, pagtula, pakikipagbalagtasan, at pag  awit ng mga sinaunang awitin na nakapagpamalas din ng tatas ng mga mag-aaral sa paggamit ng sariling wika.

Ang ilang paaralan ay nagtampok din ng mga katutubong sayaw sa kanilang programa.

Nagkaroon din ng slogan at poster making contest upang mapadaloy sa iba pang midyum ang kaalaman at pagkabatid ng mga mag-aaral sa tema ng pagdiriwang at sa pagpapahalaga sa wikang oambansa sa kabuuan.

Samantala, hindi rin naman nawaglit sa mga kapunongguruan, kaguruan, at mga mag-aaral ang pagdiriwang ng Agosto bilang Buwan ng Kasaysayan.

Bilang pakikiisa, nagpalabas ang Munting Ilog National High School ng isang photography contest na siyang nagtampok sa mga makasaysayang pook at gusali sa bayan ng Silang.

Higit pang nilinang ang kaalaman ng mga mag-aaral pati na sa kontemporaryong kasaysayan at mga napapanahong isyu sa lipunan sa pamamagitan ng iba’t ibang patimpalak sa taunan ding pagsasagawa ng Division Festival of Talents- Araling Panlipunan. (Rey Ann M. Maramag)